
Hindi ko natutuhang manghingi ng kung anumang bagay sa nakapaligid sa akin mula pagkabata. Lumaki akong ikinukubli ang nararamdaman sa aking palad dahil may mas malaking bagay na maaaring tahakin sa labas. Hindi ko nakasanayang nagkukwento dahil sanay akong maging tagapakinig lang. Ako’y naaawa sa aking sarili paminsan-minsan.
At hindi. Hindi ko ito itinitipa sa aking teklado upang ako ay kaawaan. Ang tanging hiling ko lang naman sa mundo ay kilalanin ako bilang may puso.
Madalas akong titigan ng aking mga nakasasalamuha bilang isang pader na hindi matitibag ng kahit anong bagyo. Nasanay kasi silang nakikita akong tumatayo nang walang kinakapitan habang dinedelubyo ako ng mga kontradisyon ko; nakikita nilang hindi ako nagpapatinag.
Mabango man, o hindi kaya’y maningning sa mata ng iba, ayaw ko ng ako ay dinadakila. Hindi naman ako Diyos. Ako ay isa lamang tao, na hindi ko man ipinapakita, ay gumagaralgal tuwing ako ay sinusubok ng sansinukob. Ako ay hindi Niya tulad na palagi mong makakausap ngunit hindi maaabot ng iyong naghihikahos na palad.
Hindi ako katangi-tanging nilalang na may espesyal na kakayahang ginagamit upang malampasan ang mga bagay na lumulumpo sa akin. Madalas, ang isip ko ay pinuputakte ng ilang libong isipin—at madalas hindi ko alam kung ano ang uunahin. Hindi ako sanay na magkaroon ng kahati sa mga ganitong bagay. Palagi kasing ako ang naglalaan ng kamay upang mahawakan ng iba.
Ngunit ako ay napapagod din. Hindi ko naman magagawang pahintuin ang panahon—gaya nito, hindi ko rin naman nagagawang pahintuin ang mga tumatakbo sa isipan ko. Hindi ko na kasi alam kung saan sila dapat ilagay. Turo ng mga paham na huwag maging makasarili. Subalit, ang hirap bakahin ng internal na kontradiksyon kung ang mga nakapaligid sa akin ay mas malalaki pa ang mga subhetibo kumpara sa akin.
Sa ilang sandali ng aking mga hapon, iniisip kong magpakalayo-layo. Mas madali kasi kung sarili ko lamang ang iisipin ko. Pagal na pagal na kasi ako. Alam ko namang hindi ito ang obhetibong solusyon. Kailangan ko bang maging obhetibo sa aking mga emosyon? Gusto ko lang namang makaramdam kahit minsan nang hindi isinasantabi ang sarili; batas na yata ng mundo kong ako ang maging sandalan ng lahat.
Maaraw na ngayon. Maaraw na at ang dalas pa rin ng ulan sa aking isipan. Hindi ko alam kung saan ako tatangan, o kanino. Siguro sa mga ganitong klase ng panahon sa aking utak, gusto ko lang ng masisilungan—o hindi kaya ng magpapandong ng payong sa kumukulog kong sintido. Gusto ko lang naman ng kamay na mahahawakan.